...
SIR, AKO'Y IBIGIN (may sukat at tugma)
Araw-araw ko siyang kasama
Pag-ibig ko'y laging naipadadama
Sa kanya na aking sinisinta
Tinatangi ang bawat salita
Maging sa gabi bago ako matulog
O paglalagay sa lutuin ng sahog
Pangalan niya'y sinasambit ko
Larawan sa silid ko'y pinako
Kami ay magkasama sa isang bahay
Sana pati sa bawat araw ng buhay
Magkasama lagi't magkatuwang
Bawat isa'y walang pagkukulang
Sa bawat agahan ay pinaghahanda
Bago siya harapin nagpapaganda
Umaasang balingan ng pansin
At ako ay kanyang mahalin din
Tuwing pangalan ko'y sasambitin niya
Parang dinuduyan ako sa ligaya
Isang ngiti lang ang masilayan
Hihimatayin sa kasiyahan
Ngunit kaylaki ng aking kabiguan
Nang iuwi niya ang nililigawan
Anong hapdi sa puso'y dinulot
Tuwina'y umiiyak sa kirot
Sa buhay ko ngayon nawalan ng gana
Kapag gumagawa'y balisa tuwina
Luha'y tumutulo na ng kusa
Ako pa rin sa'yo'y umaasa
Tayo'y hanggang dito na lang ba talaga?
Matatapos ba ng ganito kaaga?
Ang istorya ng pag-ibig natin
Bakit bigla na lang mabibitin?
Ngayong ika'y minamahal ng iba
Itatago na lang pag-ibig na aba
Kung kayo man ay magkahiwalay
Ako'y matatagpuan sa bahay
Mula sa 'di kalayuan magmamasid
Iibigin ang larawan mo sa silid
Ako ay magpapansin pa rin
Umaasang ako'y mamahalin
Pa'no mapapaibig ang aking amo?
Sir, paano ba sa akin sabihin mo
Walang sahod kitang pagsisilbihan
Kung akong maid mo'y pakakasalan!